Ang Alamat ng NBA 2K14

Last, last, last week (hindi ko na talaga maalala kung kelan) nag-shopping ako. Ikaw ba naman ang uber ma-stress sa kakaisip kung paano na ang susunod na kabanata ng career ko. Ang dami pang sale sa Trinoma. Napabili tuloy ako ng shoes, bag, The “Relaks, Pag-ibig Lang Yan, Parang Kagat lang ng Langgam” Planner 2014 ni Tita Witty, at two months supply ng beauty products sa VMV Hypoallergenics. Sumakit ang bulsa ko ng very very much.

Ang siste, kapag may asawa ka na ay sumasakit din ang bulsa ng asawa mo ng very very much. Na-guilty tuloy ako. Pero slight lang. Tuwing sinasamahan pa man din namin ni Harvey si Vaj na tumingin ng Nintendo sa Data Blitz ay tinitingnan din ni Harvey ang lintek na NBA 2K14.

Kung hindi nyo alam kung ano ang NBA 2K14, okay lang yan, kelan ko lang din yan nalaman. Isa lang naman napakawalang kwentang laro ang NBA 2K14 sa Kinect o PS3 o kahit saang game console. Malamang alam mo yung NBA? Yun na yun, ginawa lang laro. Hirap i-explain!

Minsan, isang araw, pagkagaling ni Harvey makipag-basketball sa katabing subdivision, sabi nya,

“Alam mo, maganda daw ang NBA 2K14! Bumili kasi yung kalaro ko, madami daw bagong blah blah blah.”

Deadma.

Nung isang linggo (yata) pagkadating ni Harvey galing opis, ganito ang bungad nya,

“Maganda talaga ang NBA 2K14! Nagbasa ako ng review!”

More deadma, more fun.

Hanggang hindi na natiis ng konsensya ko, Ate Charo. Bbinili ko na si Harvey ng lintek na NBA 2K14 para ma-justify ang pagbili ko ng shoes, bag and everything nice. Pero ang mas totoo nyan, naiirita na ako sa kaka-rant ni Harvey. Gusto ko na lang sya matigil kasi alam kong hindi naman nya ako tatantanan.

Pumunta ako sa Toy Kingdom. Kumaskas ako sa credit card para makabili ng lintek na NBA 2K14. Gusto ko sana ipalagay sa plastic bag yung game pero may bayad ang plastic bag. Bwisit. Pero binulungan ako ni Ate. Sabi nya, dahil more than P300 ang purchase ko may free gift wrap ako. Sa gift wrapping station ay may libreng platic bag. Bongga! Sabi ko kay Ate, gow pa-gift wrap ko ang NBS 2K14 para sa libreng plastic bag! I’m so henyo.

Pagdating ko sa gift wrapping station, pangatlo ako sa pila. Kaya iniwanan ko muna at nagbalak akong kumain sa Trinoma.. nang mag-isa. Ang lungkot nun di ba? Kaya tinawagan ko si Harvey. Sabi ko sabay kaming kumain.

“Saan tayo kakain?”

Dahil nagtitipid na ako, sabi ko sa Pao Tsin lang kami kakain.

“Huh? May Pao Tsin din naman dito malapit sa opis, edi dito na lang ako kakain!”

Sabi ko ililibre ko si Harvey.

“Bakit hindi mo agad inexplain na libre? Sige sabay tayong kumain! Lab yu!”

Habang kumakain kami ni Harvey, natapunan nya ako ng toyo na may kalamansi at chili sauce. Super duper badtrip! Kakabili ko pa lang sa kanya ng pesteng game na yun tapos tinapunan nya ako ng toyo! Kalahati ng palda ko ang parang tinubuan ng zebra. Pambihira talaga. Kaya kayo, huwag kayong mag-aasawa.

Pagkatapos namin kumain, sabi ko ay pumunta kami sa Toy Kingdom kasi may bibilhin ako. Dumiretso ako sa gift wrapping station. Pagkaabot sa akin ng naka-giftwrap na NBA 2K14, inabot ko naman kay Harvey.

“Huh? Ano ‘to?”

Edi regalo.

“BAAAKEEETTT?! Ano naman ang binili mo?!”

Wala, panregalo ko yan sa Pasko.

“Naku, wala pa akong regalo sayo!”

Meron na, yung shoes, bag and everything nice.

“Wow ha! Na-surprise uli ako! May regalo na pala ako sayo.”

At yan ang alamat ng lintek na NBA 2K14.

Advertisements